KWENTO NG PINOY NETWORKER

Noong nakaraan ay nagkwento ako tungkol sa buhay ng isang empleyado na malamang ay nararanasan ng marami sa mga Pinoy ngayon. Ang kwento na iyon ay hindi ko po isinulat para saktan ang damdamin ng ilan sa mga kababayan nating empleyado, kundi para ipakita sa kanila ang isang bagay na malamang ay hindi nila masyadong napapansin. Hindi naman siguro kayang itanggi nang mga Pinoy na ganun talaga ang nangyayari sa mga empleyado at malamang ay sila mismo ang nakakaranas ng ganun. Sa post naman na ito ay ang kwento ng isang Pinoy network marketer ang mababasa ninyo, at ito ay katulad din nung nauna kong kwento; based on true story at talagang nangyayari sa mga networkers ngayon. Sabihin na nating confession din ito ng isa kong ka-grupo sa MLM, at lahat ng mga bagay (negative man o positive) na dapat mong malaman tungkol sa mga networkers ay mababasa mo sa dito.
Si Pedro ay isa sa mga ka-grupo ko na kumikita nang consistent sa MLM ngayon at nagumpisa siyang gawin ang negosyong limang buwan na ang nakakaraan. Sa ngayon ay kumikita siya ng P5,000 kada linggo at kung ikukumpara sa kinikita ng isang empleyado ay halos parehas lang sila ng kinikita. Noong naka-kwentuhan ko siya tungkol sa negosyo niya ay nagtanong ako kung papano niya nagawang bumuo ng isang negosyo na kayang kumita ng hanggang P20,000 kada buwan sa loob ng limang buwan, ang sagot niya sa akin ay dumaan siya sa butas ng karayom. Hindi ko ito itatanggi dahil ako mismo ang saksi kung papano nagumpisa si Pedro at papano niya dahan dahang binuo ang career niya bilang isang Pinoy networker.
Noong naguumpisa pa lang si Pedro sa negosyo niya ay katakot takot na pagod ang inabot niya sa pag-attend ng training at paghahanap ng mga prospects niya. Maliban sa mga ito ay sandamakmak na negative na tao ang mga nakasalamuha niya at merong mga tao na tinatawanan ang ginagawa niya. Merong ding mga tao na bumaba ang tingin sa kanya noong naguumpisa pa lang siya dahil ang akala nila ay nanloloko lang siya ng tao. Ito ang mga bagay na una niyang napagdaanan noong una at pangalawang buwan niya sa kumpanya namin. Siguro nga ay kailangan talaga itong pagdaanan ng isang Pinoy networker bago siya maging successful dahil naranasan din ito ng mentor ni Pedro,  ng mentor ng mentor ni Pedro (ako), ng mentor ko at ng mentor ng mentor ko.
Dahil sa hindi naman nakatapos si Pedro nang pag-aaral at walang trabaho na pagkukunan niya ng pera ay madalas siyang nahihirapan na magpunta sa mga training nang grupo namin, pero ang nakakatuwa ay mas madalas ko pa siyang makitang present kaysa sa mga ka-grupo ko na may pamasahe at allowance para makapunta sa training. Sa madaling salita, ang kagustuhan ni Pedro na maging successful sa negosyong ito ay hindi katulad nang kagustuhan ng iba kong members na maging successful – yung tipong pag tinanong mo kung gusto nilang kumita ng malaki ay oo ang sagot pero pag gagawin na nila ang bagay na dapat nilang gawin para maging successful ay ayaw na nilang gawin.
Halos lahat ng itinuro ko sa kanya noon ay ginawa niya at halos lahat ng pwedeng gawin para makapag-endorse ng produkto namin ay ginawa na rin niya. Si Pedro ang isa sa mga may pinaka-maraming direct referral sa grupo ko at isa siya sa mga pinaka-hinahangaan ko sa company namin. New blood lang si Pedro pagdating sa MLM kaya siguro ganun katindi ang kagustuhan niyang maging successful, pero ang lagi kong sinasabi sa mga ka-grupo ko ay lahat ng bagay na mawawala sayo ay may kapalit na bagay na kasing halaga niya – Law of Equal Exchange. Ibig sabihin, hindi ka pwedeng maging member ng Millionaire’s Club kung hindi ka mawawalan o magbibigay ng isang bagay na kasing halaga ng pagiging milyonaryo mo.
Dumating pa nga sa punto na pati mga magulang ni Pedro ay sinabihan na siyang tumigil sa ginagawa niya dahil wala naman daw mangyayari sa kanya pero tuloy tuloy lang siya at naging bingi sa sinasabi ng ibang tao sa kanya. Kung iisipin mong mabuti ay bihira ka lang talaga makakita ng isang hindi nakatapos nang pagaaral na kumikita ng P20,000 o higit pa kada buwan, pero ang tanong ay gaano ba kabihira ang makakita nang isang tao na kayang gawin ang lahat para makabuo ng isang negosyo na magbibigay ng pangarap niya. Oo, siguro nga ay hindi pa masyadong malaki ang kinikita ni Pedro sa ngayon, pero kung titignan mong mabuti ay mas malaki ng di hamak ang kinikita niya at mas may freedom siyang gawin ang mga bagay na gusto niya kumpara kay Juan.
Si Juan, inabot nang apat na taon sa college at limang taon sa trabaho bago kumita ng P12,000 isang buwan samantalang si Pedro ay kumikita ng P20,000 dahil sa limang buwan niyang sakripisyo. Kung ikaw ang tatanungin ko, kung magsasakripisyo pa si Pedro ng limang buwan pa, magkano kaya sa tingin mo ang kikitain niya?
Marami sa mga sumasali sa MLM ang natutuwa sa pagaakalang ang pagsali nila sa networking ay parang pagtaya mo sa lotto na maghihintay ka lang mabunot ang mga number na tinayaan mo para maging milyonaryo. Pero naisip mo ba na mas madalas pang tumama ang kidlat sa tao kaysa sa manalo ka sa lotto? Ang isang Pinoy networker ay hindi dapat nagdududa kung kikita ba talaga siya sa negosyo niya o hindi dahil siguradong kikita siya. Hindi ka dito tumataya sa lotto na “by chance” lang ang pagasa mong yumaman. Ang pagyaman sa networking ay ginagawa at hindi hinihintay lang. Hindi biro ang pagdadaanan mo sa negosyong ito at dadaan ka sa butas ng karayom bago ka kumita ng malaki sa MLM.
Ang tanong ko sa’yo ngayon ay handa ka bang dumaan sa butas ng karayom para matupad ang mga pangarap mo? Siguro ang sagot na lalabas sa bibig mo ay oo, pero ikaw mismo ang nakaka-alam kung ano ang kayang mong gawin para maging isang successful na Pinoy networker. Tutal naman ay dumadaan ka rin sa butas ng karayom araw araw kung empleyado ka, bakit hindi pa ang pagdaan sa butas ng karayom na magpapayaman sayo ang daanan mo? Hindi ba’t hirap din naman si Juan sa pagiging empleyado? Hindi ba’t nakakapagod din ang ginagawa ni Juan? Hindi ba’t nagugutom at napupuyat din si Juan? Kung parehas lang naman pala si Juan at Pedro nang pinag-dadaanan ngayon, bakit mas gugustuhin mo pa ang buhay na wala namang patutunguhan?
Original content from: http://emancruz.com/kwento-ng-networker/