Kapag nasa MLM industry ka, marami kang maririnig na kwento sa mga upline mo na magbibigay sa’yo ng motivation, pero may isang kwento akong narinig noon, na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin makakalimutan; ito yung kwento ng bata at ng teacher. I’m sure na marami ang makakarelate sa kwento na ito, dahil bilang Pinoy networker, halos araw araw ay may mga tao tayong nakakasalamuha na susubukang sirain ang lahat ng pangarap na meron tayo dahil lang sa hindi nila nagawang maabot ang mga pangarap nila.
ANG PANGARAP
It all started long time ago… Hindi joke lang, ito yung umpisa nun – merong isang teacher na pina-drawing sa mga estudyante niya ang mga pangarap nila pag lumaki na sila. Halos lahat sa mga estudyante ay nag-drawing ng teacher, doctor, abogado, bumbero, at piloto. Tuwang tuwa ang teacher habang tinitignan ang mga gawa ng mga estudyante niya pero may isang drawing na umagaw nang atensyon ng teacher at ito ang pinaka-kakaiba sa lahat. Isang drawing ng bukid na may malaking bahay sa gitna at maraming hayop sa paligid. Tinawag ng teacher ang nag-drawing nito at tinanong kung bakit ito ang drawing niya. Ang sabi ng bata, pangarap ko po kasing magkaroon ng isang malaking malaking bukid na maraming hayop, ang tatay at lolo ko po kasi ay nag-trabaho lang sa bukid ng ibang tao, kaya gusto ko pong magkaroon nang isang bagay na gusto rin nila pero hindi nila naabot.
Ang sabi ng teacher sa bata, ang sabi ko pangarap, hindi panaginip. Papano ka magkakaroon ng isang malaking bukid, eh ang tatay mo ay magsasaka lang; ang lolo mo magsasaka din; at ang lolo ng lolo mo ay magsasaka din. Ang pangarap ay isang bagay na posible mong maabot, pero kung ang pangarap mo ay magkaroon ng isang bukid, hindi yan mangyayari dahil ilang henerasyon na kayong magsasaka. Gusto kong palitan mo ang drawing mo at gawin mong mas makatotohanan. Tignan mo si Juan gustong maging doctor; tignan mo si Pedro, gustong maging abogado; at tignan mo sa Maria, gustong maging teacher. Ipasa mo sa akin bukas ang drawing mo at gusto ko ay iba na ang drawing (pangarap) mo dahil kung hindi ay ibabagsak kita!
ANG FREEWILL
Malungkot na umuwi ang bata at tinitignan ang drawing niya. Nang makita niya ang tatay niya ay agad siyang nagsumbong dito. Tay, pinag-drawing kami ng teacher namin kanina ng pangarap namin pero sabi niya ay palitan ko raw ang pangarap ko kasi magsasaka lang daw ang tatay ko at lolo ko; pati ang lolo ng lolo ko magsasaka lang kaya hindi daw ako pwedeng magkaroon ng pangarap ko. Bakit anak, ano ba yung pangarap mo? Gusto ko pong magkaroon ng isang malaking bukid na maraming hayop at may malaking bahay sa gitna, pero ayaw niyang tanggapin kasi hindi daw ito mangyayari. Kung hindi ko daw po papalitan yung drawing (pangarap) ko ay ibabagsak niya ako.
Alam mo anak, ang sabi ng teacher mo ay pangarap mo, hindi ang pangarap niya para sa’yo. Kung ano ang sa tingin mo ay gusto mo at sa tingin mo ay kaya mong gawin, ituloy mo. Tandaan mo palagi anak na hindi pwedeng ibang tao ang magbigay sa’yo ng pangarap mo dahil bawat isa sa atin ay may sarili sariling pag-iisip. Hindi pwedeng sabihin ng ibang tao na hindi mo magagawa ang isang bagay; ang makakapag-sabi lang niyan ay ang sarili mo mismo. Kung ano man ang maging desisyon mo ay ikaw ang bahala dahil wala ako sa posisyon para idikta sa’yo ang gusto mong maging paglaki mo. Nasayo ang desisyon kung papalitan mo ang pangarap mo o hindi dahil lang sa sinabi ng ibang tao na hindi ito posibleng mangyari.
ANG PANININDIGAN
Pagpasok pa lang ng bata ay hinanap na ng teacher yung pina-drawing niya at ibinigay naman ito ng bata. Nang tignan ng teacher yung drawing ng bata ay lalo siyang nagalit dahil walang nagbago sa drawing nung bata. Nandun parin yung bahay at maraming hayop sa paligid ng bukid. Ang sabi ng teacher ng bata; sinusubukan mo ba talaga ako? Hindi ba’t sabi ko sa’yo ay baguhin mo yung drawing mo dahil kung hindi ay ibabagsak kita? Gusto mo bang ibagsak na kita ngayon? Bibigyan pa kita ng isang pagkakataon na baguhin mo ang drawing na ito, pero pag ito hindi mo pa rin bi…
Hindi na pinatapos ng bata ang sasabihin ng teacher at sumagot siya rito; teacher, kung gusto mo akong ibagsak, ibagsak mo ako. Pero hinding hindi ko isusuko ang pangarap ko para sa sarili ko dahil lang sa sinabi mong hindi ko ito magagawa.
Makalipas ang dalawampung taon ay grupo ng bata na nagkaroon ng field trip sa isang bukid. Halos karamihan ay sa mga bata ay tuwang tuwa dahil sa laki ng bukid na nakita nila. Sympre kasama nila yung teacher nila at siya yung teacher nung bata na pinabago yung drawing dahil sa hindi daw ito posibleng mangyari. Pagbaba nung teacher sa bus ay biglang may tumawag sa kanya… teacher! teacher! habang patakbong lumalapit ang isang lalaki na may matikas na pangangatawan. Teacher, natatandaan mo pa ba ako? Tinitigan lang ng teacher yung lalaki at kinikilala kung sino ba siya. Ako yung bata noon na pinag-drawing mo ng pangarap ko… ito yung drawing ko noon na sabi mo ay hindi mangyayari, sabay turo sa bukid.
Nang maalala ng teacher ay may biglang kumurot sa kanyang dibdib at dahan dahang pumatak ang luha niya. Ang sabi niya sa lalaki, alam mo, 20 years na akong nagtuturo sa mga bata at marami akong nakitang mga katulad mo na ang drawing o pangarap nila ay mga imposible para sa akin kaya pinapabago ko sa kanila ang mga drawing nila. Halos lahat sila ay binabago ang drawing at ikaw lang ang nanindigan sa pangarap mo. Ang tagal ko nang nagtuturo pero marami na pala akong mga pangarap na sinira, buti na lang at pinaglaban mo ang pangarap mo.
Tayong mga nasa industriya ng networking ay may isang malaking pangarap sa buhay. Ang kumita ng malaki at mabili ang mga bagay na gusto natin. Pero hindi natin maaalis ang mga tao na aagawin ang pangarap natin dahil sa tingin nila ay hindi natin ito kaya. Halos araw araw, may taong susubukang sirain ang pangarap mo at sasabihan kang nananaginip lang, pero gaano ba katatag ang paniniwala mo na magiging successful ka sa ginagawa mo? Kung ikaw mismo ay hindi sigurado o may duda kang kikita ka ng malaki at maaabot mo ang mga pangarap mo sa MLM, ako na mismo ang magsasabi sa’yo na tigilan mo na ang ginagawa mo. Kung sa sarili mo nga ay nagdududa ka, papano pa kaya ang ibang tao na nakapaligid sa’yo?
Wag kang tumulad sa ibang bata na isinuko ang pangarap nila dahil lang sa sinabi ng ibang tao na imposible nilang matupad ang pangarap nila. Marami ang magsasabi sa’yo na mahirap ang ginagawa mo, pero kung titignan mo sila, hindi ba’t mas mahirap naman ang ginagawa nila at gagawin nila yun ng tuloy tuloy hanggang sa tumanda na sila. Tandaan mo palagi na mas malaki at mas mataas ang pangarap mo, mas maraming tao ang kokontra at sisirain kung ano man ang gusto mo.